Mag-isa at Malaya

Sa mundong ito, importanteng alam mo kung saan ka lulugar. Saan ka pupunta, saan ka aalis, saan ka lalapit, saan ka lalayo, saan ka tutungo, saan ka iiwas, saan ka lalago, at saan ka makakahanap ng totoong kasiyahan at kapayapaan.

Wala namang kinalamang yung sinabi kong ‘yon sa isusulat ko. Gusto ko lang isingit kasi tunog profound. Haha.

Noong unang dayo ko kasi sa Bangkok, hindi maganda ang nagging karanasan ko. Dalawang oras mahigit kaming pumila sa immigration, hindi nagpapalit ng Peso to Baht, at hindi alam ang address ng aming tutuluyan. Naglibot kami para makahanap ng money changer at internet connection para makarating sa paroroonan. Hassle dahil ang dami naming dalang gamit. Habang nangyayari lahat ng ito, sabi ng isa kong kasama, “Ang ganda ng Bangkok. Feeling ko I belong here.” Sabi ko, “Talaga? Stressed na stressed na ‘ko!” Haha. Pero pagkalipas ng tatlong araw, natuto ko ring mahalin ang Bangkok. Nakita ko ang taglay niyang ganda–naguumapaw.

Kaya naman nung may nag-aya sa akin noong Oktubre, dali dali akong napa-book ng flight kahit pinangako ko sa sarili ko na hindi ako lilipad noong 2016.

Sa tatlong araw kong mag-isa at tatlong araw na kasama sila, lasap na lasap ko lahat ng pwedeng ibigay sa akin ng Bangkok. Sobrang saya ng bawat minuto ko rito, kahit yung mga tagpong maligaw-ligaw na ako at hindi ko na talaga alam kung nasaan ako.

Bawat lipad ko, naniniwala akong may silbi sa aking buhay at pagkatao. Ang pangalawang punta ko sa Bangkok ay sumakto sa paglimot ko sa mga dapat limutin at pag-engganyo ko sa mga pwedeng dumating sa aking buhay. Ramdam ko ang saya noong lumapag ako sa Suvarnabhumi Airport at narinig ko na naman ang matamis at kaaya-ayang tinig ng mga lokal ng Thailand. “Music to my ears,” ika nga.

Unang beses kong pumuntang mag-isa sa ibang bansa, kaya hindi ko pa rin talaga maalis ang takot sa dibdib ko nang bumaba ako sa tren. Kaya unang una kong pinuntahan ang Siam, kung saan ko iniwan ang aking puso noong unang punta ko rito, kung saan nangyari ang pinakamaiinam na sandali ko sa Bangkok. Palagi akong babalik dito.

Pagkatapos ng Siam, lumakad lang ako ng kaunti para makarating sa Bangkok Art & Culture Center. Nagulat ako na wala palang entrance fee. Sinulit ko ang aking pagbisita sa napakagandang gusaling ito na punong puno ng arts and crafts na talaga namang nagbigay saya sa akin.

Nakaramdam na ako ng pagod pero gaya ng madalas kong ginagawa, lumibot pa rin ako at sinuyod ang mga kalye ng Bangkok hanggang bigla kong makita ang Chulalongkorn University, isang shooting place sa pelikulang Love of Siam. Natuwa ako dahil nakakatuwa talagang bigkasin ang Chulalongkorn, ‘di ba? Haha.

Pagkatapos nito ay naglakad pa ako hanggang may kumausap sa aking lokal. Siguro nabakas niya sa mukha ko na naliligaw na ako, kaya siya na mismo ang lumapit sa akin at tinanong kung saan ako patungo. Tinanong niya ang pangalan ko at tinanong ko rin ang sa kanya. Naging matulungin siya sa akin at sinabihan niya pa ako ng maligayang pagdating sa kanyang bansa. Aamin ko, halos nagpanggap lang ako na naiintindihan ko siya, dahil halos kalahati lang ata ng mga sinabi niya ang naintindihan ko talaga. Isang nakakatuwang eksena bago ako na-stress dahil ayaw akong isakay ng mga taxi. Unti-unti ko na namang naramdaman ang takot hanggang, sa wakas, sinakay na ako ng pang anim kong pinara.

Khao San

Pagkatapos makarating sa hostel, magpahinga, maligo, at kumain ng pinakamasarap na Pad Thai na nakain ko sa tanang buhay ko, sinuyod ko isa-isa ang mga kalye na pumapalibot sa Khao San. Kakaibang galak ang aking nadama tuwing nakakita ako ng graffiti, kakaibang restaurant concepts, at kung ano-anong mga paninda sa eskenita. Ang pinakamasayang nangyari ay noong nakita ko ang aking favorite pork bbq + sticky rice combo! Hindi ko ito pinalampas. Hindi ko ito papalampasin tuwing dadayo ako ng Bangkok. Nakakatuwa dahil yung nagtitindang mag-ina (inassume ko lang) ay ramdam mong hindi sawa sa kanilang ginagawa. Alam mo yung mga vendors na parang sawang sawa na sa buhay nila? May mga ganun kasi eh. Pero ung bbq vendors na nabilhan ko, may galak sa pag-ihaw ng bbq at paglagay ng suka sa kanilang paninda. Hinding hindi ko makakalimutan kung paano ko kinain ang aking favorite meal sa tapat ng kanilang muminting stand sa kalsada. Ang saya! Biro mo, masasabi ko sa lahat na sa halagang 30 Baht, kumain at nabusog ako sa isang kanto ng Bangkok!

Pagkatapos noon ay lumakad pa ako ng lumakad. Nakakatuwa yung board game café na may dalawang grupo ng estudyante na naglalaro. Kung malakas lang ang loob ko, sumali sana ako. Hay.

Nakakatuwa ang mga bookshops na nadaanan ko, ang mga nagtitinda ng t-shirts na nakakatuwa ang designs (may moon na may smiling face pero namahalan ako so hindi ko binili), at ang mga turistang puti na kanya kanyang inuman sessions ang inaatupag.

dsc_0079-01

Tinapos ko ang gabi sa Moka Coffee Gallery, isang artsy café kung saan ang lumikha mismo ng artworks ang kukuha ng iyong order. Iiwan mo ang saplot ng paa mo sa labas at bawal mag-picture. Mamahalin ang mga binebenta niyang artwork kaya hindi ako bumili. Wala ring kaka-iba sa kape na inorder ko (medyo underwhelming), pero sinamantala ko ang isang oras na ‘yon para ma-relax sa magandang tugtog nila at upang makapagsulat na rin kahit kaunti lamang.

Chao Phraya Pier

Tuwang tuwa ako kung paano ko sinimulan ang pangalawang araw ko. Naglakad-lakad muna ako sa may Khao San dahil ang daming paninda! Nilitratuhan ko lang sila pero may binili ako na parang puto na pandan (na hindi ko naman nagustuhan).

Pagkatapos, lumakad ulit ako sa nilakaran ko kagabi. Nakita ko ang isang park na may kaunting tao at ako’y tumungo doon. Napadpad ako sa gilid at ilang hakbang lang pala ay nandoon na ang Chao Phraya Pier. Wala talaga akong planong magbangka, pero dahil nandoon na ako, nagbangka na ako. Haha.

Ang saya lang. Iba-ibang lahi ang nakasakay sa Bangka at may nakabanggaan pa kaming isang bangka na medyo sosyal. Akala nga ng iba nag-aaway na yung mga bangkero, pero hindi naman pala. Naka-pitong stops din ako bago bumaba. Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan ako bumaba. Haha. Pero lumakad-lakad ako at pumunta ng 7-11 para bumili dahil kailangan kong mapabarya ang aking 1,000 Baht. Napakain tuloy ako bigla ng Kitkat Matcha ice cream. Ang saya! Naglibot-libot ulit ako saka nag-taxi nang mapagod na.

Bangkok Planetarium

Ang highlight ng pangalawang araw ko ay ang pagpunta ko sa Bangkok Planetarium. Alas dos ng hapon ang nakuha kong ticket kaya nagkaroon ako ng kulang isang oras para mag-chill lang sa labas ng Planetarium. Dito ako nakakita ng ibat ibang pamilyang Thai na nagba-bonding. Nakakatuwang pagmasdan maglaro ang mga bata.

Bago mag alas dos ay pumasok na ako sa planetarium para libutin ang gilid-gilid nito at magbasa ng mga trivia about the moon, the stars, and the sky. Na-excite naman ako nung nakapili na ang lahat para pumasok sa planetarium. Natuwa din ako nung naka-upo na ko sa napaka-komportableng upuan. Kaya lang Thai ang lenggwahe ng ipinalabas, kaya nakatulog ako ng kaunti at walang naintindihan. Pero masaya pa rin dahil happy place ko talaga ang planetariums.

Mall Hopping

Pagkatapos ay nilibot ko na ang Ekkamai, sobrang excited na mapuntahan ang mga coffee shops na na-research ko online. Kaya lang, ayun, hindi ko sila nakita! Haha. Nag-mall hopping nalang ako sa tatlong BTS stations sa Bangkok. Naalala ko nalang na hindi pa pala ako kumakain noong araw na ‘yon dahil napansin kong nanghihina na ako. Haha. Ang una kong nakitang kainan ay McDo, kaya gumawa ako ng maling desisyon na doon kumain. Ang mahal at hindi ko naubos ang fries dahil automatic large ang size nito. Nakakapanghinayang. Sana sumubok nalang ako ng pagkaing sa Bangkok ko lang makakain. Oh well.

Nilibot kong muli ang Siam at tuwang tuwa na naman ako sa aking mga bagong nadiskubreng graffiti, shops, at kung ano-ano pa. Sobrang pagod na ang aking mga paa nung nakakita na naman ako ng mall. Pumasok ako, bumili ng matcha ice cream sa Dairy Queen, bago sumakay ng taxi pauwi sa hostel.

 

Pelikula

 

dsc_0327-01Okay, tinamad na ata ako sa huling araw ko, kaya dumiretso na naman ako sa Siam Paragon para manood ng Collateral Beauty. Sobrang excited akong mapanood itong pelikulang ito, pero hindi pala siya ganoon kaganda. Naiyak ako, pero hindi ganoon kaganda. Bongga lang din yung movie theater experience ko sa Bangkok. Ang sosyal eh. Parang sa Kuala Lumpur, sosyal din. Feel na feel kong ang yaman ko kunwari. Haha.

Unicorn Café

Sa wakas! Isa sa mga kaibigan ko ay parating na. Sa Dexter Café ko siya hinintay (ang ganda ng pagka-minimalist nito!) bago kami tumungo sa Unicorn Café. Nakakatuwa dahil sinabi lang sa aking ng isang kaibigan ang Unicorn Café kahapon, tapos nandito na ako ngayon! Buti nalang hindi ko ito napalampas, dahil sobrang saya lang ng lugar, lalo na’t unang beses ko makapagsuot ng onesie.

Si Lom

Pagkatapos ay naglibot-libot kami sa Si Lom at sumakay ng MRT upang tumungo sa pinakamalapit na station sa Khao San. Kumain kami ng kaibigan ko sa Khao San. Nakadalawang Pad Thai ako kasi hindi masarap yung una. Haha. Umuwi muna kami sa hostel para magpahinga. Pagkatapos ng dalawang oras, dumating na rin sa wakas ang dalawa ko pang kaibigan.

May tatlong araw pa at nandito na sila. Ang dami nang binigay sa aking bagong karanasan, pero mas marami pa ang aking matutunghayan. 😀

img_20161220_121755

Sa paglibot kong mag-isa sa Bangkok, namulat ang mga mata ko sa gandang bigla bigla nalang bubungad sa’yo, sa paligid na puno ng buhay at pangako, at sa iba’t-ibang uri ng tao na makikita at maririnig mo. Naging masaya ako sa kalayaang ngumiti at tumawa tuwing may nakikita akong kakaiba at ‘di iniinda ang sasabihin ng iba. Naging kapanapanabik kung saan na naman ako dadalhin ng mga paa ko dahil wala akong konkretong pakay o plano. Naging kaabang-abang ang bawat pagkain at inumin na aking matitikman for the first time ever.

Nawala lahat ng uri ng pagod na aking nadarama, maliban sa aking mga paa na pagod na pagod kakalakad ng walang pahinga. Pero okay lang. Natuto naman akong angkinin ng buong-buo ang takot, ramdamin ang bawat kabog ng dibdib, at patuloy na lumakad kahit walang kasiguraduhan ang patutunguan. Natuto akong maging parte ng sandali na hindi na magaganap pang muli. Natuto akong maging masaya sa sarili kong presensya at sarili ko lamang. Alam kong ito’y isang napakalaking pribilehiyo na kailanma’y hinding hindi ko malilimutan. Sadya nga namang napakamapagbigay ng buhay sa akin.

 

Advertisements

Share Your Thoughts

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s